Babala: ang mga susunod na mababasa ay likha lamang ng aking malikot na isipan. Salamat.
Siguro ay nagtatampo ka sa akin. Siguro ay malaki na ang galit mo sa akin. May pagkakataon sigurong ipinagdarasal mo na wag na akong bumalik at magpakita pa.
Oo, naaalala ko ang aking pangako. Hinding hindi ko makakalimutan yon.
Sobrang saya ko nung mga sandaling iyon, at kasama ka sa aking mga plano, maniwala ka.
Pero nung mga panahon na iyon…
Lumalala na ang sakit ni inay. Mahina na rin si itay para magtrabaho. Si ate, maagang nag kapamilya. Ako, contractual ang nagiging trabaho at madalas ay nahihirapan sa pag aapply dahil sa wala pa daw ako gaanong karanasan sa trabaho. Diyos ko, san ako kukuha ng work experience kung halos lahat ng kumpanyang applyan ko ay ito ang hinahanap sa mga aplikante.
Naalala ko ang aming bunso,minsa’y mangiyak ngiyak na tumalikod sa akin nang wala akong maibigay na pera para sa kanilang field trip sa eskwelahan.
Sana maintindihan mo, oo, siguro nga ay gusto kong tumakas sa sitwasyon. Pero sana maisip mo din, kasabay ng aking paglayo ay ang kagustuhang maiahon ang aking pamilya sa kumunoy ng nabubulok na sistema. Iniisip ko, para din sa atin ang aking paglayo.
Ibinigay ko ang aking oras, lakas, at karunungan sa iba imbes na sa iyo. Pinagsilbihan ko sila ng buong puso.
Masasakit na salita, pangmamaliit, walang sapat na tulog, walang sapat na kain. Ilan lang ito sa aking mga nararanasan sa kanya.
Minsan, kapag ako’y nag iisa, naninigarilyo habang nagkakape sa maliit na balkonake ng aking silid, naiisip ko, kung hindi kaya kita iniwan ay mararanasan ko ang mga ito.
Aah! Bakit ba ngayon ko pa naiisip ito. Hindi ito ang panahon para isipin ang mga ganitong bagay. Lalo lang kitang namimiss.
Kailangan maging focus ako sa aking mga kailangang gawin. Para naman hindi nakakahiya sa muli nating pagkikita.
Naalala ko…
Wala na si inay at si itay. Nawala sila habang malayo ako. Ni hindi man lang ako nakapagpaalam ng maayos sa kanila. Gusto ko sana humingi ng tawad sa kanila dahil bago sila mawala ay hindi man lang nila naranasan ang ginhawa ng buhay.
Natapos ko nang mabayaran ang mga utang namin. Si bunso ay nasa huling taon na sa pag aaral. Natulungan ko na si ate magtayo ng negosyo. Nag simula na rin ako sa hinuhulugan kong bahay.
Humanda ka, magkikita na uli tayo. Ikaw naman ang pagsisilbihan ko. Ikaw naman ang tutulungan ko. Itutuloy ko na ang pangarap ko para sa atin.
Hinding hindi ko malilimutan ang pangako ko sa iyo. Iyon kasi ang araw na nakuha ko ang lisensya ko at nangakong pagsililbihan ka ng buong puso.
Babalik na ko! Pilipinas!